RIZALPABETO
By Vim Nadera
Artworks by Elmer Borlongan
Bagumbayan at Bagong Taon

Bisperas ng pista ng iyong pagharap sa bala, 

Di ka ba nagbasa? O binasahan ka ng parusa?

May paring dila ang dala, may paring may estatwa

At medalyong tinapat: “Ako po’y maka-Maria.”

 

Nag-gatas ka pa para sa paborito mong kape.

O nagpakitang-gilas ka kina Padre’t Tenyente?

O baka dahil sa magandang balitang sinabi

Na ang pamilya mo ang bisitang pinakahuli?

 

Nakuha mo pang pagbigyan ang panayam sa iyo

Ng madre habang may pari na nasa gitna ninyo?

At may sa darating nga na Gobernador Luengong 

Pilit pinagbabago ang buo mong pagkatao.

 

Nakipaghuntahan ka pa bago ka mananghali

At tinatakang “PROTESTANTE” ng dalawang pari.

Nasyonalista kang napakalamig daw ang labing 

Salamin ng panata at pambihira mong gawi.

 

Pananghalian mo pa nga noon ay Ang Imitasyon

Ni Kristo ni a Kempis, Bibliya, at meditasyon. 

Nang si Padre Balague’t ang Arsobispo’y nagpulong, 

Adarna ngang inabangan ng iyong retraksiyon. 

 

Ala-una nang ikaw ay kanilang pinayagang 

Bigyang-oras ang personal mong pangangailangan.

Pero pinagbigyan mo pa ang dalawa mong dalaw

Bago ka pa makapagbasa ng tulang Aleman.

 

Mabilis pa sa alas-k’watro ang iyong pagluhod

Sa iyong inang handang buhay ay ipagkaloob.

At sa kapatid na pinangakuan ng sapatos,

Libro, liham, at lamparang lihim ang nasa loob.

 

Pagkaalis ng dekano ng Katedral, dumating

Ang tugon ng bituin sa dasal mong Josephine. 

Kaya takbo ng orasan ay sandaling tumigil

Hanggang ang iyong huling hapunan ay inihain.

 

Pluma at papel ang hiling mo noong alas-diyes.

Naipit ka sa hati ng gabi nang napaidlip.

Sa gitna ng basa at sulat, iyong naisingit

Ang dasal at lagda para sa pag-iisang-dibdib.

 

Dasal din ang saksi sa lahat bago ka tumungo

Sa takdang pool at panahong winasak ng punglo. 

“Consummatum est” ang iyong tuldok sa huling yugto

Sa Bagumbayan at Bagong Taong may bagong sugo! 

Previous | Next

selections fromthe backroom

CANVAS' online backroom, featuring selected artworks from our exhibitions that you may have missed. If interested in any of the artworks, please call 216-7750, or email info@canvas.ph

CONNECT WITH US

The Center for Art, New Ventures & Sustainable Development (CANVAS) is a non profit organization that works with the creative community to promote children's literacy, explore national identity, and broaden public awareness for Philippine art, culture, and environment.

CANVAS works with some of the best young artists to promote Philippine art, culture, and environment. To be placed on our preview list for future shows and exhibitions, or for more information, email us at info@canvas.ph.

SUBSCRIBE

SUBSCRIBE